Saturday, March 29, 2008

Finance & Noel

Sa unang pagkakataon magsusulat ako ng Tagalog sa blog na ito. Hindi ko ito ipinapamahagi sa iba dahil ito ay para lang sa akin. Dito ko nilalabas ang lahat ng saloobin ko, yung mga tipong isinisigaw ng puso ko, kaya huwag ka na lang makialam dito, basahin mo na lang, pero gusto mo magiwan ng mga suhestiyon, siguraduhin mo lang na makakatulog ka, at hindi makakasira dahil sumpain ka kung puros ka lang paninira.

Akala ko noon ako ay itinadhana na subukin ang industriya ng finance dahil sa ang tinapos ko na kurso sa kolehiyo ay Pamamahala ng Institusyong Pinansyal (mga Bangko, Insurance companies, investment houses, etc.). Maganda naman ang kursong yon dahil hindi lang ito basta lang tungkol sa finance at panimulang aralin sa mga institusyong pinansyal, mayroon ding konting aralin tungkol sa ekonomika na makatutulong sa mas lalong malalim at makahulugang pag-aaral ng mga merkado at mga karagdagang kaalaman upang makagawa ng makabuluhang pagdedesisyon na pang-pinansyal. Aaminin ko natuwa ako sa kursong ito kaya naman natural lang na ang trabahong gusto kong pasukin ay yung may kinalalaman sa inaral ko. Sa totoo lang, ganyan ang isip ng mga taong nagtapos din ng kursong tinapos ko, pero may iba sa amin, gustong lumihis ng direksyon. Noong una hindi ako sang-ayon dito dahil hindi ako sanay na mag-iba ng karera, at ako ay naniniwalang para lamang ako sa finance at finance lamang, wala nang iba.

Aaminin ko rin, medyo mahirap maghanap ng ganitong klaseng trabaho dahil ang karaniwang hinahanap nila ay yung mga may karansan na sa industriyang ito sa loob ng humigit-kumulang 1-10 taon. Ako ay kakagradweyt lamang nung mga panahong iyon at shempre pa, hindi ako nababagay sa kanilang hinahanap. Pero naniwala ako na mayroong trabaho para sa mga bagong gradweyt na katulad ko na may kinalaman sa finance, at mayroon nga. Nakakita ako ng hindi lang isa ngunit dalawang trabaho na nakalihis sa finance, pareho ako inimbitahan para sa interbyu pero sa magkakaibang paraan. Isa lang ang tumawag sa akin, at iyon na ang tinrato kong pahiwatig ng Panginoon na ang trabahong para sa akin.

Nagsimula ako kalagitnaan ng nakaraang taon at ngayon ako ay nakakasiyam na buwan sa pinagtatrabahuan ko. Aaminin ko marami akong natutunan, bukod pa sa mga inaasahan ko at para doon ako ay nagpapasalamat sa Diyos. Marami talaga ako natututunan dito sa trabaho ko, mula sa paghahanda ng Financial Reports hanggang sa paglikha ng one-pager kung saan nakalagay ang pangangailangang pinansyal ng isang kumpanya. Natutunan ko rin gumawa ng isang patakaran na dapat sundin ng mga turistang nais magtayo ng negosyo sa bansa, para sa ikabubuti ng Pilipinas at shempre, para naman kumita sila ng malaki. Yung nangyari kay Brian Gorrell, naku, ibang usapan na yan, pero sana umayos na ang lahat, sa kanya pati dun kay DJ Montano.

May isa pa akong natutunan dito sa trabaho ko, na hindi yata ako para dito. Bakit ganon? Ibinigay sa akin ito ng Diyos, pero ngayon nararamdaman ko na hindi ito para sa akin? Hindi ba ang binigay Niya ay ang talagang para sa atin lamang? Kung sabagay, may mga taong nakakakilala ng mga taong naging higit na mabuti sa kanila kaysa sa inaasahan pero sa bandang huli, napagtantuan nila na hindi sila para sa isa't isa. Napakasaklap, pero totoo.

Ngayong hindi na ako nababagay sa larangan ng finance, saan na ako? Bakit ko nga ba sinabi hindi na ako bagay sa finance? Marahil siguro dahil sa sarili kong takot na pumalpak. Sa takot na hindi ko matupad ang mga inaasahan sa akin. Siguro kaya ko naisip na hindi ako bagay sa finance dahil hindi ko maabot ang mga standard ng mga kumuha sa akin, ng mga nakatataas sa akin. Ayaw ko kasi na hindi nakakamit ang mga inaasahan sa akin, parang bumababa ang tingin ko sa sarili ko, at alam natin na hindi maganda ang pakiramdam kapag mababa ang tingin natin sa sarili. Hindi kailanman naging katanggap-tanggap ang kapalpakan, na mukhang ngayon ay palagi na lang nangyayari sa akin. Kaya siguro ganon na lang ako aking pagsuko sa larangang ito, samantalang dinasal ko gabi-gabi sa Diyos na kakayanin ko ang mga pagsubok na dadalhin ng trabahong ito. Hindi ba't kapalpakan na naman ito? Hanggang kailan titigil ang gulong ng kapalpakan? Hanggang kailan ako maglalakas loob sabihin na, kaya ko itong mga pagsubok na ito? Sino ba dapat ang dapat magpalakas ng loob ko para kayanin ko ang mga pagsubok na ito, dahil sa ngayon, wala akong mapagkuhaan ng lakas ng loob. Wala. Para akong kandilang nauupos ng paunti-unti. Napakahirap ng walang taong magpapalakas ng loob mo, kahit sarili mong isip at puso, parang sumuko na sa iyo. Mahirap iyon. Idagdag mo pa ang mga kaplastikan ng mga kasamahan mo sa opisina, kunyari ayos kayo pero pagtalikod mo kung anu-anong masasama ang sinasabi sa iyo. Hindi ko masasabi kung talaga ngang sinisiraan nila ako pero iyan na muna ang iisipin ko, sa dami ng ginawa kong mali.

Sana lang ay may isang taong dumating sa buhay ko at palalakasin niya ang loob ko, na para bang isa akong makapangyarihang nilalang na kayang supilin ang kahit na anong iharang sa akin. Sana mahalin niya rin ako, kung ano man ako, dahil pag ginawa niya yun, mamahalin ko rin siya, higit pa sa hinihiling niya.

Yama't din lamang nabanggit ko ang tungkol sa pag-ibig, may ikukwento pa ako. Kagabi, tinext ko si Noel at sinabi ko sa kanya na gusto ko siya. Ang sabi niya ayaw daw niya ng partners, samakatuwid, ayaw niyang pumasok sa isang relasyon. Tinanong ko kung bakit, sabi niya, maraming dahilan. Hindi ko na tinanong kung anu-ano yung mga yon dahil kung anuman iyon, sa kanya na lang iyon. Sumaggi rin sa isip ko na baka ayaw niya sa akin. At bakit nga naman niya ayaw sa akin, masyado ako pa-girl, pero hindi ako nagbibihis babae, boses babae rin naman ako...sa telepono, at matangkad siya, ako ay hindi.

Talaga atang hindi ako para kay Noel. Ilang gabi ko rin dinasal na sana maging akin siya at mahalin niya ko, at mahalin niya rin ako. Ngayon alam ko na kung bakit hindi pwede maging kami, sa pagkakataong ito, dahil ayaw na niyang magmahal ulit, ayaw niya masaktan. HIndi niya iyan sinabi sa akin pero iyan ang hinuha ko. Hindi ko siya masisisi, pero nung sinabi niya iyon, parang sinabi ko sa sarili ko, kahit higit pa sa 50 taon ang dumaan, hihintayin ko parin siya. Mamahalin ko parin siya, siguro kahit patay na ko, at nabubuhay pa siya, mamahalin ko parin siya. Ganon ko kamahal si Noel, kaso hindi niya alam iyon. Pwede rin naman siguro hindi siya naniniwala sa akin, muli, hindi ko siya masisisi. Wala akong basehan para sabihing mahal ko siya, basta naramdaman ko lang yon mula pa noong 2005, hindi ako sigurado noon pero ngayon, alam ko na mahal ko siya, higit pa sa iniisip niya. Ngunit baka nga hindi siya ang para sa akin.

Hindi ito ang unang beses na umasa akong magkaroon ng isang bagay na talaga namang gustung-gusto ko, at kadalasan, hindi ko ito nakakamit. May dahilan kung bakit hindi nabibigay sa atin ang mga bagay na gusto natin, dahil sa mata ng Diyos, may mas dapat na para sa atin, at sa takdang panahon, ibibigay Niya ito. Baka nga hindi para sa akin si Noel, pero baka mas bagay pa sa akin, ayon sa mata ng Diyos. Sana lang Noel, malaman mo na talagang mahal kita, pero baka akala mo, bata lang ako, at hindi ko alam ang sinasabi ko, pero alam ko ang sinasabi ko. Mahal kita, sana magbago isip mo, pero kung hindi...

Saturday, March 1, 2008

http://www.bbc.co.uk/science/humanbody/mind/surveys/whatamilike/index_5.shtml?personality_type=supervisor

I just found out about what am I like. I don't necessarily agree but it at least gives me a perspective of what I am. I'll blog about this soon...in this blog of course